5.28.2006

binukot

pinili mong bumaba sa patag
sa patag na humatak sa’yo sa lubak
sa lubak na sayo’y nagpatatag
at nagturong umahon sa pagkakasadlak

mandirigma kang nakikipagsapalaran
suot ang baluting alikabok
sa kurot ng lamig sa kalamnan
sa init na sa balat mo’y sumusuntok

pinili mong maupo sa trono ng lansangan
sa lansangang nagsilbing kaharian mo
kahariang salat sa karangyaan
karangyaang handog ng kalikasan sa’yo

prinsesa kang inaalayan ng tanso
maharlikang napapalamutian ng mga bote’t plastik
prinsesang namamahagi ng kuwento
sa mga taong sa kalikasa’y salat at sabik

ipinamimigay mo lang ang ginto
sa paniwalang yaman yung ipinapamahagi
kasama mo lang ay guwardiyang aso
sa bundok, sa iyong pamamalgi

nabihag ka sa kasalukuyan
na pasan ang iyong nakaraan
bagama’t di piniling talikuran
kalikasang nilisa’y mahirap nang balikan

5.27.2006

May Chemical Romance

Tinangka nang pagalawin ng buwan ang tubig sa iyong katawan
Hinagod na ng kape ang iyong lalamunan
Pinbag-init na ng alak ang iyong kalamnan

Ano pang chemical reaction ang susubukan
Para makuha ang timplang nais mong matikman?