6.12.2006

Low Batt

Wala na. Low Batt na.
Kanina’y kasama lang kita dito sa kama,
Masaya tayong nagtatawanan at naghaharutan,
Pilit nating sinasabik ang isa’t isa
Sa init ng katawan

Wala na. Low Batt na.
Kanina’y sabay nating tinatnaw ang buwan sa bintana ng kwarto,
Masaya tayonbg naglalaro sa kanya-kanyang kuwento,
Pilit nating binabalewala ang tingin ng mga santo

Wala na. Low Batt na.
Kanina’y sabi mo walang iwanan,
Masaya mo pang sinabi na walang hangganan,
Pilit nating sinusulit ang init na hated ng unan

Wala na. Low Batt na.
Ngayon tanging butiki’t isip na lang ang nalulungkot na kausap.
Nanlalamig na unan na lang ang kayakap

Bakit kasi na low batt,
ikaw tuloy ay nawala


Wala na. Low Batt na.

6.07.2006

ilang-ilang

nilanta na ng tubig ang mga bulaklak na handog mo.
marahil ay nainip na ang mga bulaklak sa di gumagalaw na tubig.
araw-araw nalalagasan ng isang talulot ang bawat bulaklak.
gabi-gabi dahan-dahang humahalo sa tubig ang naagnas na mga talulot.
kailan ka muling maghahandog ng bulaklak?

5.28.2006

binukot

pinili mong bumaba sa patag
sa patag na humatak sa’yo sa lubak
sa lubak na sayo’y nagpatatag
at nagturong umahon sa pagkakasadlak

mandirigma kang nakikipagsapalaran
suot ang baluting alikabok
sa kurot ng lamig sa kalamnan
sa init na sa balat mo’y sumusuntok

pinili mong maupo sa trono ng lansangan
sa lansangang nagsilbing kaharian mo
kahariang salat sa karangyaan
karangyaang handog ng kalikasan sa’yo

prinsesa kang inaalayan ng tanso
maharlikang napapalamutian ng mga bote’t plastik
prinsesang namamahagi ng kuwento
sa mga taong sa kalikasa’y salat at sabik

ipinamimigay mo lang ang ginto
sa paniwalang yaman yung ipinapamahagi
kasama mo lang ay guwardiyang aso
sa bundok, sa iyong pamamalgi

nabihag ka sa kasalukuyan
na pasan ang iyong nakaraan
bagama’t di piniling talikuran
kalikasang nilisa’y mahirap nang balikan

5.27.2006

May Chemical Romance

Tinangka nang pagalawin ng buwan ang tubig sa iyong katawan
Hinagod na ng kape ang iyong lalamunan
Pinbag-init na ng alak ang iyong kalamnan

Ano pang chemical reaction ang susubukan
Para makuha ang timplang nais mong matikman?